15
Nakaw Timpla | Part 5
Tinutok ni Stella ang pansin sa foam na dumikit at nanuyo sa gilid ng tasa ng kanyang kape. May halong kulay tsokolate na ito, hindi na tulad kanina na kasing puti ng pulbos na sabong panlaba na bagong bula lamang sa loob ng washing machine. Ngunit hindi pa rin niya napigilan na mapansin ang pag-iba ng upo ni Derek. Nakaharap na siya sa labas, animo’y nagmamasid ng hacienda niyang binabaha. Kaswal ang hawak ng cellphone sa kanyang tenga, at ang kaliwang siko ay nakapatong sa sandalan ng silya. Magkatabi pa rin naman sila, pero ramdam ni Stella ang milya-milyang nilayo ni Derek mula sa kanya. Samantala sa labas, tuloy pa rin ang paghagupit ng halakhak ng kalangitan kay Stella.
Muli niyang hinawakan ang tasa. May init pa rin, ngunit hindi na kasing tindi noong una itong ihain sa kanya.